Hindi maiwasang magdebate kami ng tyuhin ko sa harap ng beer o kaya nama’y wine (depende sa timplada ng bulsa niya). Kadalasan kapag magkukwento ako tungkol sa pinas, kadalasan e pulitika o mga social issues, bigla akong patitigilin at sasabihing ayaw na niyang pag-usapan ang pinas kasi nga naman daw pare-pareho lang, walang pagbabago mula noon hanggang ngayon.

Pero kasabay ng parang pag-etsa pwera niya sa pinas bilang isang isipin, lagi naman niyang ibinabandera sa akin kung gaano kagaling at ka super power ang US. Idol nya nga ang ‘merika, sabi niya walang makakatalo dito parang Alaska.

At syempre dahil US yan e napagusapan na rin ang presidential eleksyon. Sa puti - sa itim. Sa puti siya at ako naman sa itim. Hindi daw mananalo ang itim kasi hindi papayagan ng mga puti. Pero malakas kako ang itim kasi may mga nakikita akong mga puti na kinakampanya ang itim.

“Maari ba yun? Maniwala ka sa kin, hindi mananalo ang itim. Saka Pare-pareho lang yan e mapa-itim, mapa-puti syempre Amerika pa rin yan, lahat ng gagawin nyan para pa rin sa Amerika.”

Okey, Imperyalista sila kaya kahit na anong mangyari imperyalista sila. Pero dahil pinoy ako e kadikit ko si PAG-ASA. Ang sabi ko sa kanya, kung sakaling manalo si Obama isang malaking hakbang yun para sa pagbabago sa bansang Amerika dahil kahit na paikut-ikotin pa natin ang mundo talamak pa rin yung tinatawag na racism. At kapag nga nanalo ang itim, sabi nga ng kanta e parang binaligtad na rin ang tatsulok.

Malay natin, magbago din ang pagtingin ng susunod nilang pamahalaan sa pakikipag kapwa nila sa iba’t-ibang bansa lalo na sa mga nasa third world country na katulad natin.

Noong ipinost ko ang video na ito

Ito ang naging reaksyon ni TheTrueAsiatic:

sabi ng kuya ko..pag nanalo si OBAMA katakot takot na
assasination ang mangyayari sa kanya.Wala daw dapat maging
black President ang USA. kasi slave lang sila sa US noon and
di sila original na Americans.

Palagay ko dito pumapasok yung sinabi noon ni Pope John Paul II e, sabi niya “In order to see the light you must endure the pain of burning.”

Ganun talaga yun, kung nais mo ng pagbabago kailangang ipain mo ang buhay mo. Pero sana lang hindi siya yung si Gloria Arroyo noon na nakisigaw ng pagbabago. Sana lang hindi siya si Gloria na sumigaw dati ng REFORM. At sana lang hindi siya si Gloria na ilang beses lang binanggit ang mga katagang transition government patungkol sa gobyerno niya dahil sa hindi nya pala kayang pangatawanan yung sinasabing transition government.

Ngayon mabalik tayo kay Obama. Malay natin siya yung maging tagapagligtas (pagamit po Jesus plis!) Malay natin diba. Heto na naman tayo sa walang katapusang pagbabakasakali.